Thursday, May 31, 2018

The symphony of trees

disclaimer:
nakita ko lang sa kalye ng taipei ang title na nakalagay
habang tumatakbo sa isipan ko ang nakasulat sa ibaba nito
****
Paulit-ulit mong tinatanong
Na hindi ko matugon-tugon
Kelan ko seseryosohin
Ang wika mo sakin
Sa totoo lang
Hindi ko masabi sayo
Na ako’y masaya
Na sating dalawa
Ikaw ang lumigaya

Naabot mo ang pinapangarap ko
Nakamit mo ang laman ng panaginip ko
Di man ako ang iyong kasama
Ang mahalaga’y napabuti ka
Siguro pagdating ng panahon
Sa sandali ng aking dapithapon
Ibubulong ko sa hangin
Isang pasalamat na minsan

Sa buhay na to, tayo'y nagkaibigan.

Labindalawa't isa

Yung bigla-bigla ka na lang lumitaw
Aking ulirat iyong muling pinukaw
Makalipas ang labindalawang taon
Naghintay ka pa ng isang araw ngayon
Bakit ka andirito ngayon at kumakaway
Eto na naman ako ni hindi ka sinaway
Hindi sasampu kundi labindalawa
Labindawang taon na puno ng dusa
Dagdagan pa natin ngayon ng isang araw
Tilang itong puso ko ayaw pang pumanaw
Ikwento mo pa ang masaya mong buhay
Kung saan sya ang iyong iisang kaagapay
Hindi pa nga ata sapat ang sakit na dinulot
Ng ating nakaraang iyong tuluyang nilimot
Ating alalahanin ngayon san ito nagsimula
Mga ala-ala nating matamis at masasaya
Ngunit iwasan na nating muling ungkatin
Kung san mo tinapos ang iyong damdamin
Baka sakaling kahit papano’y maibsan
Itong pasakit ng iyong pamamaalam
Labindalawang taon na at isang araw
Ngunit ang sakit akin paring kaulayaw
Kaya’t muli’t muli mo man akong tanungin
Hindi ko kailanman kakayaning sasagutin
Sino nga ba sumunod sa paglisan mo?
Habang ako’y pilit na kumapit sa anino mo
Labindalawang taon at isang araw
Mga pangako mo’y di ko na matanaw
Tanging alaala mo ang aking kaulayaw
Sa mga araw at gabing mapanglaw
Labindalawang taon na ang umusad
Marapatin mong ako na ang tumupad
Sa mga pangako mong tuluyang nilipad
Kasama ng pag ibig mong tila’y huwad
Kung sumapit man na ikaw ay mag-isa na
Nakaupo sa tumbang walang makasama
Huwag mag-alala at ako’y darating dyan
Ibulong mo lang sa hangin aking pangalan
Walang isang iglap ako’y nasa kabila na
Sasamahan ka at sayo’y muling ipapaalala
Na minsan duon sa kalye ng Ayala
Ang mga kaluluwa natin’y nagkakilala.